Photo Credit: BFAR-R02

TUGUEGARAO CITY-Patay ang dalawang batang magkapatid habang nasa kritikal na kondisyon ang kanilang ama matapos malason sa kinaing “Kuret”, isang uri ng crabs sa bayan ng Sta Ana, Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Brgy. Captain Isabelo Cariño ng Tangatan, nakuha mismo ng padre de pamilya na si Eugenio Cuabo Sr. ang inulam na crabs sa pangingisda sa karagatang sakop din ng nasabing bayan.

Aniya, tatlong pamilya na binubuo ng pitong katao ang naghati-hati sa mga nahuling crabs na kung tawagin ay Kuret sa local na dialekto kung saan lahat sila’y nalason at ang pamilya Cuabo ang pinakamalala.

Habang kumakain umano ang mga biktima ay nakaramdam ang mga ito ng pamamanhid sa kanilang katawan hanggang sa humingi na ng tulong sa mga kapitbahay na silang nagsugod sa pagamutan sa tulong LGU Sta. Ana.

Sinabi ni Cariño na naagapan ang ibang biktima ng pagkalason pero ang dalawang bata na na sina Reign Clark,5-anyos at Macniel Craig Cuabo, 2-anyos ay binawian ng buhay habang nasa kritikal na kondisyon ang kanilang ama.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Cariño na dati naman umano nilang kinakain ang kahalintulad na klase ng crabs.

Kaugnay nito, humingi ng tulong ang kapitan para biktima lalo na ang mga pamilya Cuabo dahil kabilang umano ang mga ito sa indigent family.

Nabatid na taong 1980 nang unang makapagtala ang naturang bayan nang pagkalason matapos kumain ng crabs na kahalintulad umano ng kinain ng mga biktima.

Tinig ni Brgy. Captain Isabelo Cariño

Samantala, kumuha na ng samples ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa gagawing imbestigasyon sa nasabing insidente.