Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Chinese national na umano’y nagpakilalang mga Pilipino.

Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ng BI na nagsagawa sila ng operasyon laban kay Jucan Hong sa Barangay Bitano, Legazpi City noong Pebrero 2 matapos itong matuklasang nagpapanggap na Pilipino upang makakuha ng mga government-issued identification.

Nabatid na si Hong ay may hawak na driver’s license na nagsasaad ng umano’y pagiging Pilipino at nakikibahagi rin sa mga aktibidad na pangnegosyo.

Samantala, sa hiwalay na operasyon sa Barangay Cuambogan, Tagum City, Davao del Norte, inaresto ang isa pang Chinese national na si Qingzhuang Ke, na umano’y gumagamit ng pekeng pagkakakilanlan bilang “Jimmy Reyes.”

Ayon sa BI, si Ke ay may delayed registration birth certificate sa ilalim ng kanyang pekeng pangalan, na ginamit umano upang makakuha ng iba’t ibang dokumento, magbukas ng mga bank account, magparehistro ng mga sasakyan, at magpatakbo ng negosyong warehouse.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng BI ang dalawang dayuhan at haharap sa deportation dahil sa maling representasyon at iba pang paglabag sa batas sa imigrasyon.