
Inaresto ng Pasay City police ang dalawang Chinese nationals na sangkot sa kasong kidnap-for-ransom matapos ang habulan na nagresulta sa matinding aksidente na ikinamatay ng isang katao.
Nangyari ang insidente sa EDSA-Extension sa Pasay, kung saan habang normal ang daloy ng trapiko ay biglang may dumaan na dark gray na sasakyan at nabangga ang isang motorsiklo.
Sa lakas ng impact, nawasak ang motorsiklo, at tumilapon ang sakay nito.
Agad na dinala sa ospital ang rider, subalit binawian siya ng buhay dahil sa mga tinamong sugat sa aksidente.
Nakumpirma ng mga awtoridad na ang sasakyan na nakabangga sa motorsiklo ay pagmamay-ari ng mga suspek na Chinese, na tinangkang tumakas mula sa mga awtoridad na humahabol sa kanila dahil sa kanilang pagkakasangkot umano sa kidnapping case.
Sinabi ni Pasay City Police Chief Col. Joselito De Sesto, binalewala ng mga suspek ang red traffic light sa kanilang pagtatangka na tumakas, hanggang sa bumangga sa motorsiklo.
Habang nagawa ng mga suspek na makatakas mula sa pinangyarihan ng aksidente, nahuli din sila ng mga pulis.
Nailigtas din nila ang biktima ng kidnapping, na isa ring Chinese national.
Sa pagsasagawa ng karagdagang imbestigasyon sa condominium ng mga suspek, nadiskubre ng mga pulis ang mahigit 100 grams ng ketamine na nagkakahalaga ng mahigit P700,000.
Ayon sa Sesto, ibinebenta ang nasabing droga sa kanilang mga kapwa Chinese.
Natuklasan din ng mga awtoridad na ang dalawang suspek ay una nang naaresto dahil sa kidnap-for-ransom case, subalit pinalaya matapos na iatras ng complainants ang kanilang reklamo.
Sinampahan ng Pasay police ng maraming kaso ang mga suspek na kinabibilangan kidnap-for-ransom, illegal possession of firearms, paglabag sa Omnibus Election Code, paglabag sa Dangerous Drugs Act, at reckless imprudence resulting in homicide dahil sa pagkamatay ng rider ng nabangga nilang motorsiklo.