TUGUEGARAO CITY-Negatibo na sa pangalawang swab test sina patient 36 na mula sa bayan ng Alcala at patient 37 na mula naman sa bayan ng Lal-lo na unang nag-positibo sa Covid 19 sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, ang resulta ng pangalawang swab test ng mga pasyente ay inilabas ng DOH-region 2 ngayong araw, Hunyo 13, 2020 kung saan sila nagnegatibo na.
Bukas,June 14,2020, isasailalim naman sa pangalawang swab test ang isa pang nag-positibo sa bayan ng Alcala habang sa araw ng Lunes naman ang isa pang covid 19 positive patient mula sa Lal-lo.
Ipinaliwanag ni Dr. Baggao, na kailangang tapusin pa ang 72 hours simula ng dumating ang pasyente sa ospital bago isailalim sa second swab test ang mga COVID-19 patients.
Matatandaan, nakapagtala ng apat na panibagong confirmed cases ng Covid 19 ang probinsiya ng Cagayan kamakailan kung saan tig-dalawa mula sa bayan ng Alcala at Lal-lo.