TUGUEGARAO CITY-Nakauwi na sa kanilang tahanan ang dalawa pang indibiduwal na nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) matapos magnegatibo sa ang kanilang pangalawang swab test.
Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, medical chief ng CVMC, dumating ang pangalawang swab test nina PH2271 na isang US citizen na mula sa Balzain dito sa lungsod ng Tuguegarao at PH2268 na residente naman sa bayan ng Tuao na kapwa negatibo na sa virus.
Dahil dito, mula sa 18 nagpositibo sa Cagayan ay 15 na ang nakauwi at tatlo na lamang ang inobserbahan kabilang ang isang buntis at dalawang health worker ng naturang naturang pagamutan.
Sa ngayon, sinabi ni Baggao na mayroon apat na Persons under Investigation (PUIs) na mula sa bayan ng Lasam, Gonzaga at dalawa dito sa lungsod kung saan hinihintay ang resulta ng kanilang swab test.
Sinabi ni Baggao na sa kabila ng pagbaba ng kaso ng Covid-19 sa probinsiya, hinimok nito ang publiko na huwag magpakampante sa halip ay sundin ang mga alintuntunin tulad ng paghuhugas ng kamay at pagpapanatiling malinis sa katawan para makaiwas sa virus.
Samantala, nagpasalamat naman si Baggao sa mga grupo at indibidwal na patuloy na sumusuporta sa kanilang mga health workers at nagbibigay ng karagdagang PPEs o personal protective equipment bilang proteksyon sa covid-19.