Dalawang 15-anyos na dalagita ang napaulat na nawawala at pinangangambahang dinukot sa bayan ng Gattaran, Cagayan.

Kinilala ang mga ito na sina Josephine Manuel at April Mae Oñate, kapwa residente sa Brgy Palagao Norte.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa nakatatandang kapatid ni Manuel na si Jaymar, araw ng Biyernes (June 4) nang magpaalam ang dalawa na dadalhin nila ang kanilang module sa paaralan, subalit hindi na nakabalik pa hanggang sa kasalukuyan.

Pangamba nito na posibleng dinukot ang dalawa nang may nakakita sa mga ito na lulan ng isang motorsiklo na minamaneho ng isang lalaking 20-anyos pataas, kasama ang dalawa pang lalaki na lulan rin ng dalawang motorsiklo sa may bahagi ng Brgy Baracaoit ng nasabing bayan.

Dahil dito, nagpasya ang mga kaanak ng dalawa na ireport sa mga pulis ang pangyayari na dalawang araw nang nawawala sa kasalukuyan.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na nag-aaral sa Gattaran National Trade School si Manuel habang sa Calaoagan Dakkel National High School si Oñate kung saan huling natawagan ang mga ito nang sila ay nasa Calaoagan Dakkel pa.