Dalawang dating POGO workers ang nasakote ng PNP- Anti-Cybercrime Group na sangkot umano sa online na pagbebenta ng mga pekeng pera sa isang operasyon sa Las Piñas City.
Ayon kay ACG director BGen Bernard Yang, dating empleyado ng pogo ang mga suspek na kinilalang sina alyas Agila at Usa.
Nag-ugat ang operasyon sa sumbong ng Bangko Sentral ng Pilipinas hinggil sa talamak na pagbebenta ng counterfeit currency sa social media.
Nakumpirma ito sa cyber patrolling ng ACG kung saan napag-alamang 150 pesos lang ang benta sa bawat pekeng 1,000-peso bill.
Sa mismong entrapment, nasabat sa mga suspek ang 150 piraso ng mga pekeng perang papel.
Sa pulong balitaan sa kampo crame, tiniyak ni yang na mayroon na silang lead sa grupong posibleng nasa likod ng operasyon.
Giit ni BSP Payment Investigation Officer Atty. Mark Fajardo, mapanganib ang pekeng pera para sa mga maliliit na negosyante, gayundin sa inflation ng bansa.