Dalawang dating tagasuporta ng Communist Terrorist Group (CTG) ang boluntaryong kumalas sa kilusan sa magkahiwalay na aktibidad sa mga barangay ng Dadda at Manalo sa Amulung, Cagayan nitong Hulyo 6, 2025.
Sa Brgy. Dadda, kusang-loob na tumiwalag si alyas “Marnie,” 49 taong gulang, maybahay, at residente ng lugar.
Ayon sa kanya, na-recruit siya noong 1990 ng dalawang kasapi ng CTG na madalas bumisita sa kanilang komunidad.
Nagsilbi siyang tagapagdala ng pagkain at mensahero, at sumali sa mga pagpupulong para sa pagpapalaganap ng ideolohiya ng grupo.
Samantala, sa Brgy. Manalo, isa pang dating tagasuporta na si alyas “Mar,” 78-anyos at isang magsasaka, ang nagpasyang kumalas sa kilusan at sumuko ng isang pirasong baril sa Amulung Police Station.
Inilahad niya na naging bahagi siya ng CTG mula 1991 at ginamit pa bilang pansamantalang safehouse ang kanyang bahay.
Ayon sa mga dating tagasuporta, layunin nilang linisin ang kanilang pangalan at makiisa sa mga programang pangkapayapaan ng pamahalaan, bilang suporta sa Executive Order No. 70 o ang Whole-of-Nation Approach ng NTF-ELCAC.