Nakatakdang maglunsad ng dalawang araw na “Balik Eskwela School Supplies Diskwento Caravan” ang Department of Trade and Industry (DTI) Cagayan sa Agosto 9 at 10 ngayong taon.
Ayon kay Mar Anthony Alan, Senior Trade and Industry Development Specialist ng ahensya, walong mga suppliers ang nagpahayag ng kanilang pagsuporta matapos makipag ugnayan ang kagawaran para sa nasabing aktibidad.
Plano aniya nilang ilunsad ito sa bayan ng Tuao at sa Camalaniugan kung saan ay hindi na kinakailangang bumiyahe pa ng malayo ang mga residente sa lugar at maging sa mga karatig bayan upang makabili ng mga gamit pang-eskwela ng mga batang papasok para sa face to face classes.
Sinabi niya na nasa 10%-50% ang diskwentong maaaring ibigay sa mga bibili ng gamit ng kanilang mga anak at kasama sa mga itinitinda ay ang mga basic school supplies ng mga estudyante tulad ng papel, notebook, lapis, ballpen, uniporpe, sapatos, gadgets at iba pa.
Kasabay nito, sinabi rin ni Alan na nagpapatuloy naman ang monitoring ng ahensya sa mga itinitindang supplies ng mga negosyante mula sa iba’t ibang pamilihan upang matiyak na nasusunod pa rin ang itinakdang presyo para sa mga ito.
Gayonman sinabi niya na sa ngayon ay wala namang pagtaas ng presyo sa mga school supplies sa probinsya dahil may sapat na supplies pa ang mga supplier mula sa mga hindi nila naibenta nitong nakalipas na taon.
Kung may mga bago man aniyang produkto at mga stocks ang mga ito ay hindi rin maaari na itaas nila ang presyuhan ng kanilang paninda na higit pa sa itinatakdang presyo para sa mga ito.