TUGUEGARAO CITY-Sinibak na sa tungkulin ang dalawang enforcers ng Land Transportation Office (LTO)-Region 02 na nahuli dahil sa pangingikil sa Tuguegarao city noong araw ng Lunes.

Ayon kay Regional Director Romeo Solomon Sergio Sales ng LTO-Region 02, ito ang ibinabang desisyon sa isinagawang imbestigasyon ng Regional Administrative and action board ng tanggapan laban kina Chito Apattad at Darwin Isidro Pauig.

Aniya, epektibo kahapon, Agosto 12, 2020 ang dismissal ng dalawa batay na rin sa nakalap na ebidensiya ng administrative and action board ng LTO.

Sinabi ni Sales na patunay lamang ito na hindi kinukunsinte ng kanilang tanggapan ang mga maling gawain ng kanilang mga law enforcers.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng direktor ang kanilang mga empleyado na gampanan ng maayos ang kanilang tungkulin para hindi na muling mauulit ang naturang pangyayari.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nahaharap din ang dalawang suspek ng kasong robbery extortion na unang isinampa ng Philippine national Police.

Matatandaan, nahuli ang dalawa matapos mangikil sa kolorum na delivery truck kung saan hinihingan umano ang mga ito ng P30,000.