TUGUEGARAO CITY-Isinara ng Bureau of Internal Revenue (BIR)sa isinagawang “oplan kandado” ang dalawang establishimento dito sa lungsod ng Tuguegarao dahil sa kabiguang pagdeklara ng tamang buwis.
Ayon kay Director Clavelina Nacar ng BIR,batay sa naging evaluation ng kanilang ahensiya sa isang Motorcycle parts and Accessories sa Diversion road, Caritan Centro at isang Restaurant sa Brgy Centro 7 ,mababa ang declaration ng sales at tax payments ng mga ito.
Dahil dito, nagsagawa ng surveillance ang kanilang ahensiya sa mga nasabing establishimento at dito napag-alaman na malaki ang under declaration sales ng mga ito na dahilan ng pagkakandado.
Paliwanag ni Nacar, kung mas malaki sa 30 percent ang under declaration ng sales at tax payments ay kanila nang ikinakandado ang establishimento.
Kaugnay nito, sinabi ni Nacar na nabigyan ng limang araw ang dalawang establishimento para bayaran ang kanilang mga buwis bago muling buksan.
Samantala , pinaalalahan ni Nacar ang mga establishimento na dapat ay bayaran ang kanilang tamang buwis at huwag nang hintayin na ito’y maipasara.