Dalawang high-profile na indibidwal na umano’y sangkot sa kidnapping-for-ransom (KFR) ang naaresto ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG), ayon sa mga awtoridad.

Unang naaresto sa Barangay Gutivan, Romblon ang alias “Litz,” na ika-anim sa Top Ten Most Wanted ng AKG.

Siya ay iniuugnay sa isang KFR group na target umano ang mga dayuhang empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Nahaharap siya sa maraming warrant of arrest para sa kidnapping at serious illegal detention na walang piyansa.

Sa parehong araw, inaresto rin ng AKG sa Pasay City ang isa pang suspek na kinilalang alias “Danny,” na sangkot umano sa ilang kidnapping cases ng mga dayuhan, kabilang ang mga Chinese at Koreano, pati na rin sa insidente sa Nasugbu, Batangas.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa PNP at DILG, malaki ang ibinaba ng kidnapping cases sa nakalipas na tatlong taon, na iniuugnay sa pagsasara ng mga POGO at pagbuwag sa mga KFR syndicate.

Sinabi naman ng PNP na patunay ang mga pag-aresto sa kanilang patuloy na kampanya laban sa kriminalidad at sa pangangalaga ng kaligtasan ng publiko.