
Tuluyan nang ibinasura ng House Committee on Justice ang dalawang impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. matapos itong ideklarang “insufficient in substance.”
Ang unang reklamo na isinampa ni Atty. Andre de Jesus na inendorso ni Rep. Jett Nisay, na humihingi ng pananagutan ng Pangulo sa umano’y pagtataksil sa tiwala ng publiko at paglabag sa Saligang Batas, kabilang ang umano’y pag-order at pagpayag sa pag-kidnap at pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court, paggamit ng droga na nakakaapekto sa kanyang pamumuno, at iba pang pagkukulang sa pambansang budget para sa mga nakaraang taon, ay idineklara ng komite na hindi sapat ang ebidensya.
Sa boto, 42 ang pabor sa dismissal, 3 ang tutol, at 1 ang nag-abstain.
Samantala, ang pangalawang reklamo na isinampa ng Makabayan coalition na tumutukoy sa umano’y katiwalian sa ilalim ng “Baselined-Balanced-Managed (BBM) Parametric Formula” sa alokasyon ng pondo para sa mga proyekto sa imprastruktura, na sinasabing nagdulot ng mga “ghost,” substandard, at overpriced na flood management projects, ay itinuring na kulang din sa substansiya matapos mabigo ang mosyon na ideklara itong sapat.
Sa boto, 7 ang pabor na ito ay sufficient, 39 ang tutol, at walang nag-abstain.
Ayon sa House Justice Committee, ang pagiging sapat ng isang impeachment complaint ay hindi batay sa dami ng reklamo o kritisismo sa mga polisiya ng pamahalaan, kundi sa malinaw, tiyak, at may batayan na alegasyon ng seryosong paglabag sa tiwala ng publiko.
Pinagtibay ng komite na ang impeachment ay nakalaan lamang sa mga seryosong pang-aabuso sa kapangyarihan at hindi dapat gamitin batay lamang sa haka-haka o popularidad.










