TUGUEGARAO CITY-Naharang ang dalawang kabataan kabilang ang isang menor-de-edad sa inilatag na checkpoint sa bayan ng Gattaran, Cagayan na nagbibitbit ng baril na walang kaukulang dokumento.
Ayon kay P/Major Edwin Aragon, hepe ng PNP-Gattaran, sakay ng motorsiklo ang 17-anyos at 23-anyos na hindi na pinangalanang mga suspek nang mapadaan ang mga ito sa inilatag na checkpoint.
Sinita ng kapulisan ang dalawa dahil sa kawalan ng suot na helmet.
Aniya, habang kinakausap ng mga miembro ng kapulisan ang dalawa ay napansin ang hindi normal na galaw ng driver na menor-de-edad.
Dahil dito, pinabuksan ang sling bag na dala nito kung saan nakita ang isang calibre 38.
wala namang maipakitang dokumento ang suspek kung kaya’t hinuli ang dalawa at dinala sa himpilan ng Pnp-Gattaran.
Sinabi ni Aragon na batay sa naging salaysay ng menor-de-edad na suspek, pinahawak lamang umano ng kanyang kakilala ang baril na gagamitin bilang proteksyon sa kanilang pag-uwi dahil dis oras na ng gabi.