TUGUEGARAO CITY-Huli ang dalawang katao matapos mahuling nagbebenta ng gamot na walang kaukulang permit sa bayan ng Gattaran, Cagayan.
Nakilala ang mga suspek na si Ruben Mesde 57-anyos at Calixto Jayson Reyes, 33-anyos kapwa residente ng Brgy. Batal, Santiago City, Isabela
Ayon kay P/Master Sergeant Edgar Mandac ng PNP-Gattaran, isang concerned citizen ang nagpaabot sa mga barangay officials ng Barangay Baraccaoit sa pagbebenta ng mga suspek ng gamot sa mga sari-sari store sa lugar.
Ipinaabot naman ng mga Brgy. officials sa kapulisan na agad nilang nirespondehan kung saan kanilang nahuli ang dalawa na nagbebenta ng gamot.
Bigo namang magpakita ng permit ang dalawa na sanhi ng kanilang pagkakahuli.
Sinabi ni Mandac na batay sa kanilang imbetigasyon, kinukuha ng mga suspek ang kanilang ibinebentang gamot sa lungsod ng Santiago, Isabela .
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 11 kartun na may lamang 50 vitamins, gamot pang-lagnat, sipon at ubo.
Nagpakilala bilang medical representative si Mesde na ngayon ay kasalukuyang bineberipika ng kapulisan habang driver naman si Reyes.
Nabatid na ito na ang pangatlong beses na magbenta ng gamot ang mga suspek sa nasabing lugar.
Sa ngayon, pansamantalang nakalaya ang mga suspek ngunit mahaharap pa rin ang mga ito sa kasong paglabag sa R.A 7394 o the consumer act of the Philippines.