Nasawi ang dalawang katao sa Louisiana, USA matapos mahawa ng flesh-eating bacteria na nakuha sa pagkain ng kontaminadong hilaw na talaba.

Kinumpirma ng Louisiana Oyster Task Force ang mga pagkamatay— isa mula sa Louisiana at isa mula sa ibang estado.

Ayon sa health officials, sanhi ito ng Vibrio vulnificus, isang bacteria na karaniwang matatagpuan sa maiinit na dagat at mas aktibo mula Mayo hanggang Oktubre.

Maaari itong magdulot ng malubhang sakit kapag nakain sa hilaw o hindi lutong seafood, o kapag pumasok sa sugat na nababad sa tubig-alat.

Bukod dito, iniulat ng Louisiana Health Department na may dalawa pang namatay ngayong taon dahil sa parehong bacteria at 22 ang naospital, karamihan dahil sa sugat na nalubog sa dagat.

-- ADVERTISEMENT --

Sa Florida naman, umabot na sa 23 kaso ng Vibrio infections ang naitala ngayong taon, kabilang ang limang nasawi.