TUGUEGARAO CITY-Huli sa entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang lalaki dahil sa pagbebenta ng baril na walang kaukulang lisensiya dito sa lungsod ng Tuguegarao.
Ayon kay P/lt col Romeo Dela Trinidad ng CIDG-Cagayan, isang impormasyon ang kanilang natanggap na ang dalawang suspek na sina Rodelito Collado, 47 at Wilson Abengania, 39-anyos, kapwa residente LupAo, Nueva Ecija ay naghahanap nang pagbebentahan ng baril.
Dahil dito, nagpanggap na buyer ang ilang miembro ng kapulisan at nang tanungin kung lisensyado ang mga baril ay wala umanong maipakita ang dalawa kaya hinuli ang mga ito.
Nakuha sa dalawang suspek ang isang calibre 45 at 9mm na baril na ibinebenta sa halagng P30,000.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para malaman kung kanino nanggaling ang mga baril ng mga suspek.