TUGUEGARAO CITY-Narekober ng militar ang dalawang landmine at iba pang-uri ng kemikal sa Brgy Aguid,Sagada,Mountain Province matapos ang sagupaan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at New Peoples Army(NPA),kahapon.

Ayon kay Brigadier General Henry Doyaoen, Commanding Officer ng 503rd Infantry Brigade, Philippine Army, patuloy ang pagtugis ng kanilang tropa sa mga nakatakas na militar at pag-iikot sa lugar para tanggalin ang iba pang naitanim na landmine ng mga NPA.

Una rito, nagkaroon ng sagupaan ang kasundaluhan ng 50th IB at NPA , kahapon sa nasabing lugar na tumagal ng 30 minuto na nagresulta ng pagkamatay ng isang sundalo na hindi pa pinapangalan at pagkasugat ng isa pa.

Sinabi ni Doyaoen na ipinagbigay alam ng mga residente sa lugar ang umano’y pagtatanim ng mga NPA ng mga landmine kung kayat agad silang nagtungo at nagsagawa ng operasyon sa lugar.

Aniya, habang nirerekober ng militar ang mga itinanim na pampasabog ay biglang pinaputukan ang kanilang tropa ng mga NPA.

-- ADVERTISEMENT --
Tinig ni Brigadier General Henry Doyaoen

Samantala, naniniwala naman si Doyaoen na mayroong ding nasawi sa tropa ng NPA dahil sa mga nakitang bakas ng dugo sa lugar na pinangyarihan ng sagupaan.