Patay ang dalawang mangingisda na nalunod sa reservoir ng Andarayan dam sa lalawigan ng Kalinga.
Kinilala ang mga biktima na sina Marvin Cuaresma, 31-anyos at Paul Ikit, 35-anyos, kapwa residente sa Barangay Macutay, Rizal, Kalinga.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCAPT Shamerel Banag, hepe ng PNP-Rizal na madaling araw, kahapon nang magtungo ang mga biktima kasama ang iba pang mangingisda sa dam na matatagpuan sa Barangay Santor.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinundan ng isa sa mga biktima ang kanyang kasama nang hindi na ito nakaahon pa matapos sumisid sa sampung talampakang lalim ng tubig upang kunin ang lambat na may huling isda na nauna nilang inilagay doon.
Subalit kapwa namatay ang dalawa sa pagkalunod kung saan nakita ang kanilang bangkay, bandang alas 7:30 ng umaga.
Nabatid na sumabit sa lambat ang paa ng isa sa mga biktima na dahilan ng kanyang pagkalunod, kasama ang isa pa na tumangkang sagipin ang kasamahan.