TUGUEGARAO CITY-Iprinisinta sa hanay ng mga mamamahayag ang dalawang militia ng bayan na nagbalik loob sa lalawigan ng Kalinga.
Ang dalawang sumukong militia ng bayan ay isang 31-anyos at 21-anyos na kapwa lalaki kung saan na- recruit umano sila ng mga makakaliwang grupo noong Mayo 2019.
Sa naging salaysay ng mga sumukong miitia ng bayan, nagdesisyon silang sumuko sa pamahalaan dahil sa hirap ng buhay sa kabundukan at napagtanto na walang mangyayaring maganda sa kanilang buhay dahil sa pakikipag-anib sa makakaliwang grupo.
Kaugnay nito, tiniyak ni P/Col. Davy Vicente Limmong, Director ng Kalinga Police Provincial Office (KPPO) ang tulong sa dalawa sa pamamagitan ng mga training programs ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ang alternative learning system (ALS) ng DEPED.
Siniguro naman ni Limmong ang seguridad ng dalawa at pinasalamatan nito ang miembro ng intel group, elders maging ang mga kamag-anak ng mga militia ng bayan para magbalik loob sa gobyerno ang dalawa.
Samantala, sinabi naman ni Tesda Provincial Director Victor Brioso ng Kalinga, ang mga rebel returnees ang pipili sa gusto nilang training programs kung saan sasailalim sila sa isang taon na pagsasanay na may allowance at kaukulang benipisyo.
Hinimok din ng Deped ang mga rebel returnees na mag-enroll sa kanilang ALS program.with reports from BOMBO Marvin Cngcang