Nagsilbing “eye opener” sa lokal na pamahalaan ang pangangailangan ng ordinansa sa pagkaka-abswelto ng dalawang lalaking nahuli na nagpupuslit ng crablets sa bayan ng Pamplona.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCapt Joel Labasan, hepe ng PNP-Pamplona na pinakawalan sa utos ng korte sina Jonald Agosto, 34-anyos at Carlos Paquinto, 49-anyos, kapwa residente sa Barangay Pattao, Buguey dahil sa kawalan ng municipal ordinance na nagbabawal sa paghuli ng maliliit na alimango o alimasag.
Una rito, nahuli ang dalawa matapos makita sa kanilang sasakyan ang mga crablets na nagkakahalaga ng P20,000 sa Barangay Cabaggan.
Bagamat may permit ang mga ito mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, sinabi ni Labasan na sakop lamang nito ang bayan ng Aparri.
Gayonman, pinakawalan din ang dalawa kalaunan kung kaya inaasahan ni Labasan na maipapasa ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ang ordinansang nagbabawal sa panghuli sa mga crablet.