
Tinatayang aabot sa P100,000 ang halaga ng pinsala ng sunog na naganap bandang 12:15 ng madaling araw noong Disyembre 24 sa isang dalawang-palapag na bahay sa Purok 1, Barangay Bilibigao, Claveria, Cagayan.
Ayon kay Senior Fire Officer 2 Melody Agnir, Fire Arson Investigator ng Bureau of Fire Protection (BFP) Claveria, nakatanggap sila ng fire call mula sa isang kagawad ng naturang purok.
Idineklarang fire under control ang sunog dakong 12:41 ng madaling araw at tuluyang naapula bandang 1:01 ng umaga.
Ang nasunog na bahay ay pagmamay-ari ni Inocencia Agunoy Luna, 66 taong gulang, biyuda.
Gawa sa light materials ang ikalawang palapag ng bahay habang semento naman ang unang palapag.
Batay sa imbestigasyon, hindi umano naninirahan sa bahay ang may-ari sa mga nakaraang araw at nakikitulog ito sa bahay ng kanyang anak.
Pumupunta lamang siya sa bahay upang pakainin ang kanyang mga alagang hayop.
Kaugnay nito, wala namang naitalang nasugatan o nasawi sa insidente.
Patuloy pang iniimbestigahan ng BFP ang sanhi ng sunog.










