Dalawa pang suspek ang sumuko kaugnay sa brutal na pagpatay kay Police Staff Sergeant Renato Casauay Jr., na natagpuan ang kanyang bangkay sa septic tank sa Malolos, Bulacan.

Sinabi ni Malolos police chief Police Lt.Col. Rommel Geneblazo, isa sa mga suspek na si alyas “Marvin” ay sumuko noong hatinggabi ng Martes sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng kanyang mga kamag-anak sa mga awtoridad.

Ang isa pang suspek na kinilalang si alyas “Egoy,” at sumuko naman ng madaling araw sa nasabi ring araw sa Alicia, Isabela matapos siyang hikayatin ng kanyang mga magulang at asawa.

Batay sa imbestigasyon, si Marvin umano ay isa sa mga naglinis sa crime scene at tumulong na takpan ang ebidensiya ng semento.

Tinulungan naman umano ni Egoy ang pangunahing suspek na si Julian Salamat sa pagbuhat sa bangkay ni Casauay sa septic tank.

-- ADVERTISEMENT --

Natagpuan din ng mga awtoridad ang nawawalang motorsiklo ni Casauay.

Sa ngayon, anim na suspek na kinabibilangan ni Police Cpl. Vivencio Abalos ang nasa kustodiya ng pulisya.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na posibleng may kinalaman sa trabaho ng pulis ang motibo sa ginawang pagpaslang sa kaniya.

Nitong Martes, inanunsyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na may P1 milyong pabuya sa sino mang makapagtuturo ng kinaroroonan ng iba pang suspek, lalo na ang bumaril sa biktima.