Tinatayang nasa halos P2 milyon halaga ng nakapakete at bloke-blokeng marijuana ang nasabat sa isang checkpoint sa lalawigan ng Kalinga na dadalhin sana sa Maynila.
Nakilala ang mga nahuling suspek na sina Delfer Jhay Abancia, 23-anyos at Zamier Galo, 22-anyos, kapwa residente sa Malate, Manila.
Nabatid na hinarang ng pinagsanib na pwersa ng 1503rd Manuever Company, Tabuk PNP, at PDEA Kalinga ang isang pampasaherong bus sa Sitio Talaca, Agbanawag, Tabuk City matapos matanggap ang tip sa tangkang pagpuslit ng mga suspek sa di pa mabatid na kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Nakumpiska sa kanila ang 15 marijuana bricks at dalawang plastic na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana at stalks na nagkakahalaga ng P1.9 milyon.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang suspek.
Nabatid pa na may pending na kaso sa ilegal na droga si Abancia sa Metro Manila.