Dalawa ang kumpirmadong patay habang 30 ang nawawala sa Hualien County, Taiwan matapos bumigay ang isang barrier lake na nabuo dahil sa pagguho ng lupa dulot ng malalakas na ulan ng Super Typhoon Ragasa.

Alas-3 ng hapon nitong Martes, bumigay ang dam sa Mataian Creek na nagdulot ng biglaang pagbaha sa Guangfu township, tinangay ang isang tulay at lumubog hanggang ikalawang palapag ng mga bahay.

Mahigit 260 residente ang na-trap at inilikas sa mataas na lugar, ngunit ligtas mula sa agarang panganib.

Ayon sa Taiwan Fire Department, higit 7,600 katao ang inilikas sa buong bansa, kabilang ang 3,100 residente sa paligid ng creek bago pa man ang pagbaha.

Ipinakita sa mga kuha ng National Fire Agency ang lubog na mga kalsada, sasakyang halos matangay ng tubig, at mga punong nabuwal.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na binabayo ng malakas na hangin at ulan ang Taiwan habang tinutumbok ng Super Typhoon Ragasa ang timog bahagi ng China.