TUGUEGARAO CITY- Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang tunay na dahilan sa nangyaring aksidente sa bayan ng Sanchez Mira, Cagayan na ikinamatay ng dalawa at ikinasugat ng limang katao kagabi.
Sinabi ni PCMSGT Bladimir Enteria, hepe ng PNP Sanchez Mira, sa kanilang paunang pagsisiyasat, biglang lumihis ang sasakyan sa gilid ng kalsada sa Brgy. Callungan at binangga ang tatlong magkakatabing punong-kahoy hanggang sa tumigil ito sa gitna ng 4 lanes na lansangan.
Ayon sa kanya, tumilapon ang limang sakay ng sasakyan matapos ba bumukas ang pintuan nito matapos mabangga ang unang punong-kahoy.
Ayon kay Enteria, dead on the spot si Demi Mar Sadoy, habang binawian ng buhay sa ospital si Mark Gil Manantan, kapwa 20 years old.
Idinagdag pa ni Enteria na posibleng mechanical o human error ang dahilan ng aksidente at madulas ang kalsada dahil sa mga pag-ulan.
Sinabi ni Enteria na pawang mga estudyante na magkaka-batch noong high school ang sakay ng sasakyan at papunta sana sila sa isang resort sa bayan ng Claveria para umano sa kanilang reunion kasabay ng Valentine’s Day.
Ayon kay Enteria, nasa stable na kundisyon na ang mga sugatan sa nasabing aksidente.