Dalawang tao ang naiulat na nasawi habang higit sa 20 iba pa ang nasugatan matapos bumangga ang isang Mexican Naval Ship sa Brooklyn Bridge noong Sabado ng gabi, (Linggo sa Pilipinas) ayon kay Mayor Eric Adams.

Ayon sa U.S. Coast Guard, 21 katao ang nasugatan na agad namang isinakay sa maliliit na bangka patungong pampang bago dinala sa ospital. Nauna nang sinabi ni Adams na 19 ang nasugatan, dalawa ang nasa kritikal na kondisyon, at dalawa ang pumanaw dahil sa kanilang tinamong pinsala.

Naganap ang insidente bandang 8:20 ng gabi, (oras sa America) ayon kay Chief Wilson Aramboles ng New York Police Department (NYPD) Special Operations Division.

Ayon naman sa alkalde, ang naturang barko, ay lulan ng 277 katao, ay nawalan ng kontrol dahil sa mechanical error habang papalabas mula Pier 17 na patungo sana sa Iceland.

Kinilala ang barko na ARM Cuauhtémoc, isang training vessel ng Mexican Navy. Dalawang tripulante naman ang nasa masts nito ang nasugatan sa banggaan.

-- ADVERTISEMENT --

Wala namang nalaglag sa tubig, ngunit agad na isinagawa ang inspeksyon sa tulay.

Ayon kay Department of Transportation Commissioner Ydanis Rodriguez, walang nakitang seryosong pinsala sa Brooklyn Bridge. Gayunpaman, isinara pansamantala ang operation sa East River, at nagtayo ng “safety zone” sa pagitan ng Brooklyn at Manhattan Bridge.

Makikita sa mga kumalat na video ang dalawang masts ng barko na tumama sa tulay, habang may mga taong nakasabit sa mga ito. Makikita rin ang mga sugatang isinakay sa stretcher matapos ang insidente.

Maririnig ang mga tao sa pampang na sumisigaw ng “Mexico! Mexico!”

Kinumpirma ni Esteban Moctezuma Barragán, ambassador ng Mexico sa U.S., na ang barko ay bahagi ng Mexican Navy, ngunit hindi raw ito opisyal na kalahok sa Sail4th 250 event sa 2026.

Samantala patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng NYPD at inaasahan ding magsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang National Transportation Safety Board (NTSB).

Pinayuhan ang publiko na iwasan muna ang lugar malapit sa tulay.