
Agad na nasawi ang dalawa habang sugatan naman ang isa pa matapos bumangga ang Toyota vios sa sinasakyan nilang kolong-kolong sa bayan ng Ballesteros nitong madaling araw ng Linggo.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jasmin John Oandasan at Fernando Manoyo, kapwa nasa tamang edad habang nasa stable nang kalagayan ang menor de edad na nasugatan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCAPT. Jim Palattao, hepe ng PNP-Ballesteros, magkasunod ang Toyota Vios at kolong-kolong ng mga biktima na binabagtas ang kahabaan ng provincial road malapit sa Mabuttal bridge bandang alas 4:40 ng madaling araw.
Dahil sa malakas na buhos ng ulan ay hindi umano napansin ng 23-anyos na driver ng Vios na si Kennedy Ian Lizardo ang sinusundang kolong-kolong na dahilan ng pagbangga nito.
Sa lakas ng impact ay tumilapon ang dalawang sasakyan sa palayan kung saan nagtamo ng matinding sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan ang tatlong biktima na agad isinugod sa Ballesteros District Hospital subalit idineklarang dead on arrival ang dalawa.
Wala namang nasaktan sa tatlong pasahero ng Vios maliban na lamang sa driver na nagtamo ng sugat sa binti.
Sinabi ni Palattao na desidido ang pamilya ng mga biktima na magsampa ng kaso kung saan inihahanda na ang kasong Reckless imprudence resulting in homicide and damage to property laban sa suspek.
Pansamantala namang ikinustodiya sa pulisya ang mga sangkot na sasakyan.










