Dalawa umanong miyembro ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang pinaghihinalaang may “conflict of interest,” ayon kay Senador Panfilo Lacson.

Hiling ni Lacson sa Department of Trade and Industry (DTI) at Construction Industry Authority of the Philippines (CIAP) na imbestigahan ang mga alegasyon.

Ayon sa senador, si Engineer Erni Baggao na muling na-appoint bilang board member noong Setyembre 2023, ay pumirma rin sa kontrata ng Department of Public Works and Highways (DPWH) bilang presidente ng EGB Construction habang pumipirma sa regular contractor’s licenses noong 2024.

Si Engineer Arthur Escalante naman, na nagmamay-ari ng A.N. Escalante Construction Inc., ay nagsisilbi sa PCAB bilang board member kasabay ng paglagda sa kontrata sa DPWH noong Mayo 20, 2022 para sa kompanya sa Davao City.

Ani Lacson, posibleng paglabag ito sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials (RA 6713).

-- ADVERTISEMENT --

Binanggit ng senador na dahil sa kanilang posisyon sa board, nagkaroon sila ng “undue advantage” sa ibang kontratista, dahil puwede nilang imbestigahan, suspendihin, o kanselahin ang lisensya ng ibang kumpanya.

Mariing itinanggi ng PCAB ang alegasyon, sinasabing gawa-gawa lamang ng scammers ang mga report, habang kinumpirma naman ni DTI Secretary Cristina Roque sa isang ulat na may isinasagawa nang imbestigasyon ukol dito.