
Patay ang dalawang pulis sa insidente ng pamamaril na naganap sa loob ng Provincial Explosive and Canine Unit (PECU) ng Bangued, Abra nitong Lunes ng gabi, November 10, 2025.
Ayon kay PMAJ. Connie Balido, Public Information Officer ng Abra Police Provincial Office, batay sa paunang imbestigasyon, binaril ng isang police lieutenant, na team leader ng yunit, ang kasamahang police staff sergeant (PSSg) habang nagsisipilyo sa barracks. Tinamaan nang apat na beses ang biktima at agad na nasawi.
Agad namang nagtungo ang isang police senior master sergeant (PSMS) sa pinangyarihan ng insidente, ngunit pinaputukan din umano ito ng lieutenant ngunit hindi ito tinamaan. Gumanti ng putok ang PSMS at napatay ang lieutenant na nagtamo ng dalawang tama sa katawan.
Lumabas sa imbestigasyon na bago ang insidente, ipinatawag sa regional office ang lieutenant dahil sa reklamong pag-inom ng alak habang naka-duty. Pinaghihinalaan niyang ang PSSg ang nagsumbong, na posibleng nagtulak sa pamamaril.
Matapos ang insidente, boluntaryong sumuko ang PSMS sa mga awtoridad at sasampahan ng kasong homicide.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman ang tunay na sanhi ng pamamaril.










