TUGUEGARAO CITY-Inaasahang makakalabas na mula sa quarantine ang dalawang pulis na naka-deploy sa lungsod ng Tuguegarao na nakitaan ng sintomas ng coronavirus disease (covid-19).
Ayon kay P/Brig. Gen. Angelito Casimiro, director ng Police regional office (PRO-2), bumubuti na ang kalagayan ng dalawang pulis na kapwa sumasailalim sa field training program ng PNP.
Sinabi ni Casimiro na nakitaan ng mataas na temperatura ang dalawa sa loob ng pitong araw matapos ma-exposed sa ilang field training activities kung saan may nakasalamuha sila na iba’t-ibang indibiduwal.
Aniya, matapos ang isang linggong quarantine, muling isinailalim ang dalawa sa rapid test kit at nagnegatibo sa covid-19 at bumubuti na rin ang kanilang kalagayan.
Una narin umanong kinumpirma ng medical officer ng regional command na pawang mga ordinaryong sipon, ubo at lagnat ang kumapit sa dalawang pulis.
Dahil dito, sinabi ni Casimiro na kung tuloy-tuloy ang pagbuti ng karamdaman ng dalawa ay posibleng makakalabas na sila sa araw ng linggo at muli ng babalik bilang field trainee sa lungsod.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Casimiro ang mga pulis na i-disinfect ang sarili maging ang kanilang mga kagamitan lalo na ang mga nasa checkpoint area para makaiwas sa covid-19.