
Nagpositibo ang dalawang public utility vehicle (PUV) drivers sa isinagawang random drug testing ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2 sa Tuguegarao City nitong Biyernes, December 26, 2025
Ayon kay Salvacion dela Cruz, PIO ng PDEA Region 2, ang mga naturang driver ay ire-refer sa kani-kanilang local government units para sa nararapat na interbensyon at monitoring, sa koordinasyon ng mga kaukulang ahensya.
Sinabi ni dela Cruz na layunin ng operasyon na tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero at palakasin ang kampanya kontra ilegal na droga sa sektor ng transportasyon ngayong holiday season.
Isinagawa ang operasyon sa tatlong pangunahing terminal sa lungsod katuwang ang LTO RO2, LTFRB RO2, Tuguegarao City Police Station–SWAT Team, at Cagayan Police Provincial Office–Highway Patrol Group.
Sa kabuuan, 99 na PUV drivers ang sumailalim sa mandatory random drug testing.
Samantala, kasama sa operasyon ang PDEA K9 Unit na nagsagawa ng inspeksyon sa mga bagahe ng pasahero gamit ang narcotic detection dog na si “Vic.”
Lahat ng sinuring bagahe ay negatibo sa presensya ng ilegal na droga.
Tiniyak ng PDEA RO2 at mga katuwang na ahensya na ipagpapatuloy nila ang ganitong mga operasyon upang mapanatili ang ligtas at drug-free na komunidad sa Region 2.










