Dalawa lamang sa labindalawang mamahaling sasakyan na target ng search warrant ang natagpuan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang raid sa garahe ng pamilya Discaya sa Pasig City nitong Martes, ayon kay Commissioner Ariel Nepomuceno.

Ayon sa BOC, kabilang sa natagpuang sasakyan ay isang Maserati at isang Toyota Land Cruiser, habang isang Cadillac Escalade na wala sa listahan ng search warrant ang nakita rin sa loob ng garahe.

Agad namang sinabi ni Commissioner Ariel Nepomuceno na iimbestigahan din ang Escalade at hinikayat ang pamilya Discaya na kusa nang isuko ang iba pang sasakyan.

Kasalukuyan ding nakikipag-ugnayan ang BOC sa Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) para mahanap ang mga natitirang luxury cars.

Ang operasyon ay isinagawa kasabay ng Senate Blue Ribbon Committee hearing na pinamumunuan ni Senador Rodante Marcoleta, kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control projects kung saan nasangkot ang pangalan ng mga Discaya.

-- ADVERTISEMENT --

Sa pagharap ni Sarah Discaya sa Senado, kinumpirma niyang may mga pag-aari silang Rolls-Royce, Mercedes G63, Cadillac Escalade, at iba pang mamahaling sasakyan—na ang ilan ay nagkakahalaga ng higit P40 milyon.

Tiniyak naman ng BOC na seryoso ang kanilang kampanya laban sa smuggling at sa mga hindi tamang deklarasyon ng luxury vehicles alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act.