Dalawang student-athlete ang kinailangang i-admit sa ospital na delegasyon ng lalawigan ng Cagayan matapos magtamo ng ijury nang magsimula ang mga laro sa nagpapatuloy na Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) Meet 2025 sa Santiago City, Isabela.

Ayon kay Dr. Nicasio Galano, medical team ng lalawigan sa naturang Palaro na nasa maayos namang kalagayan ang dalawa na nagtamo ng sports related injury tulad ng sprain.

Sa kabila naman ng tinamong ankle injury, sinabi ni Galano na nagawang masungkit ni Justin Fontillas mula sa bayan ng Allacapan ang gold medal sa boxing event.

Habang ang 18-anyos namang atleta mula sa bayan ng Lasam ay nagkaroon ng pamamaga sa kaliwang balikat nito at inaantay pa ang resulta ng kanyang x-ray.

Bukod sa naturang major injuries, may mga naitala din minor injuries at pagkahilo na dulot ng sobrang init subalit agad namang nalapatan ng lunas sa billetting.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak naman ni Galano na naipatutupad ang ilang hakbang upang maprotektahan ang kalusugan ng mga atletang mag-aaral at sapat naman ang mga medical assistance sa lahat ng mga playing venue.

Patuloy rin ang pagbibigay paalala nila sa mga coaches at mga batang atleta na magdala ng maiinom na tubig upang maiwasan ang dehydration.

Samantala, nangunguna sa medal standing ng CAVRAA meet ang koponan ng Isabela mula sa siyam na delegasyon.

Batay sa inilabas na partial at unofficial medal tally report, mayroon nang 50 gold, 42 silver at 45 bronze medals ang Isabela.

Pumapangalawa sa medal tally standing ang Cagayan province na may 45 gold, 40 silver at 48 bronze habang pumapangatlo ang Nueva Vizcaya na may 40 gold, 35 silver at 26 bronze.

Magtatapos ang taunang Regional Sports Competition bukas, April 27.