Dalawang tricycle driver ang magkahiwalay na hinuli ng Tuguegarao City Traffic Management Group (TCTMG) na naaktuhang naniningil ng sobra sa itinakdang pamasahe at namimili ng isasakay na pasahero.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Jojo Balao ng Tricycle Regulatory Unit na naaktuhan ng mga traffic enforcers sa isang malaking mall sa lungsod ang isang tricycle driver na naniningil ng P40, sa halip na P12.50 lamang sa isang pasahero habang ang isa ay pinababa ang nakasakay nang pasahero dahil nakakita umano ito ng mas maraming pasahero.
Ayon kay Balao, naka-impound na ang dalawang tricycle dahil sa paglabag sa City ordinance.
Nakatakda namang ipatawag ng TRU ang dalawang complainant para sa pormal na paghahain ng kaso laban sa dalawa na posibleng patawan ng isang buwang suspensyon o pagmumultahin ng hanggang P2,000.
Muli namang nagbabala ang TRU laban sa mga isnaberong tricycle driver at naniningil ng sobra sa mga pasahero na mahigpit nilang ipatutupad ang batas, lalo na ngayon at host ang lungsod ng National Schools Press Conference.