TUGUEGARAO CITY-Hawak na ng kapulisan ang dalawang Tricycle Driver na umano’y naghold-up sa isang event coordinator dito sa lungsod ng Tuguegarao, kagabi.
Ayon kay Police Major Ruben Verbo, Deputy Chief of Police ng PNP-Tuguegarao, sumakay ang biktima na si Shane Guzman, 25-anyos residente ng Brgy Caritan Norte dakong alas otso ng gabi, kagabi sa Alimanao-Caggay papuntang Caritan Norte sa tricycle ng suspek na si Emilliano Bassig, 24-anyos ng Annafunan East.
Nang makarating sa Macapagal Road, Brgy Balzain East, sumakay ang isang suspek na si Domingo Zalun, 32-anyos residente ng Brgy Linao West at tinabihan ang biktima sa loob ng tricycle.
Ngunit,ilang metro lamang ang layo mula sa lugar kung saan sumakay si Zalun ay naglabas ito ng kutsilyo at nagdeklara ng hold-up.
Sinubukang manlaban ang biktima ngunit hindi nito nagawang maagaw ang kanyang bag na kinuha ng mga suspek na naglalaman ng P24,000 at cellphone.
Matapos makuha ang bag ay itinulak ni Zalun ang biktima palabas ng tricycle at pinaharurut naman ni Bassig ang tricycle nito.
Bago pa makalabas ng tricycle ang biktima ay nagawa nitong i-memorize ang body number ng tricycle.
Agad namang ipinagbigay alam ng biktima ang naturang pangyayari sa kapulisan at sa pakikipag-ugnayan ng PNP-Tuguegarao sa Tricycle regulatory Unit (TRU) ay natunton ang nagmamay-ari ng tricycle na dahilan ng pagkahuli kay Bassig.
Itinuro naman ni Bassig si Zalun na kanyang kasama sa naturang krimen na dahilan ng kanilang pagkahuli.
Positibo namang kinilala ng biktima ang mga nahuling suspek na sila ang nanghold-up sakanya.
Nakuha sa tricycle ng suspek ang face mask na sinabi ng biktima na suot ng driver nang isagawa ang pagtangay.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao kay Zalun kanyang sinabi na nakilala niya si Bassig sa isang sugalan habang sinabi naman ni Bassig na nakilala niya si Zalun sa isang parkingan malapit sa isang malaking mall sa lungsod.
Sa kabila ng magkaibang salaysay ng mga suspek, iginiit ng dalawa na hindi nila kakilala ang isa’t-isa at mariin din nilang itinanggi na hindi sila ang nasa likod ng pangho-hold-up.
Sa ngayon , nasa maayos ng kondisyon ang biktima sa kabila ng mga tinamong sugat habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa narerekober ang pera na tinangay ng mga suspek at inaalam narin kung sila ang nasa likod ng mga nagaganap na carnaping, motornaping at iba pang pagnanakaw sa lungsod.