Inaantay na lamang ang pag-apruba ng Regional Inter Agency Task Force (RIATF) sa rekomendasyon na ilagay ang bayan ng Enrile sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa loob ng labing limang araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Mayor Miguel Decena, Jr na bukod sa isinasagawang zonal containtment ay layunin ng paghihigpit sa restriction ay upang mapabilis ang isasagawang contact tracing, at nang sa ganoon ay mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa nasabing bayan.
Bagama’t bumaba na sa 26 ang aktibong kaso mula sa 43, sinabi ng alkalde na nasa kritikal o halos puno na ang kanilang mga quarantine facilities dahil sa nagpapatuloy na contact tracing.
Kasabay nito, muling hiniling ni Decena sa Department of Education ang paggamit sa Roma Elementary School sa Brgy Roma bilang quarantine facility para sa mga locally stranded individuals (LSI).
Pansamantala namang inilipat sa dating Rural Health Unit ang quarantine facility sa naturang bayan upang bigyang daan ang renovation sa bawat kubo na matatagpuan sa munisipyo at nagsisilbing quarantine facilities ng kada barangay.
Nagpahayag din si Decena ng pagkaalarma matapos maitala sa bayan ng Enrile ang dalawang magkasunod na namatay may kaugnayan sa COVID-19 noong nakaraang Linggo.
Sa sandaling aprubahan ang rekomendasyon na nag-uutos na isailalim sa MECQ ang bayan ng Enrile ay muling ibabalik ang mga checkpoint sa mga barangay upang mapigilan ang mga mamamayan sa paglabas ng kani-kanilang mga bahay.
Umaasa naman si Decena na tatalima ang mga residente na sumunod sa mga health protocol na kanilang paiiralin kasabay ng kanyang pagtiyak na may mga ayudang nakahanda para sa mga mamamayan na maaapektuhan.