TUGUEGARAO CITY-Bumaba ang bilang ng mga nagpositibo sa covid-19 na kasalukuyang minomonitor sa Cagayan Valley medical Center (CVMC).
Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, mula sa 34 ay nasa 20 confirmed cases na lamang ang binabantayan ng pagamutan kabilang ang pitong pulis na mula sa PNP-Tuguegarao at tatlong detainees.
Aniya, mula sa 20 confirmed cases, 16 ay mula sa Cagayan partikular sa Brgy. Ugac Sur na may tatlong kaso, dalawa sa Linao East at tig-isa Atulayan Norte , Buntun, Carig Norte, Caggay, Cataggaman Nuevo, Dadda, Gosi maging sa Brgy Centro sa bayan ng Tuao at Tallang , Baggao habang tatlo naman ang mula sa Isabela at isa sa Tanudan, Kalinga.
Bukod sa mga confirmed cases, mayroon din apat na suspected cases ang binabantayan na mula sa Alcala, dalawa sa Lal-lo at isa sa Isabela.
Sinabi ni Baggao na lahat ng mga naka-admit sa kanilang pagamutan ay nasa mild condition.
Samantala, bumaba rin ang natatanggap na specimen ng CVMC nitong nakalipas na linggo kung ikukumpara sa mga nagdaang linggo kung kaya’t naging mabilis ang paglabas ng mga resulta.