TUGUEGARAO CITY-Nasa 20 confirmed cases ng coronavirus disease (covid-19) kabilang ang dalawang bagong kaso ngayong araw, Hulyo 4, 2020 na mula sa Isabela at sa lungsod ng Tuguegarao ang kasalukuyang minomonitor sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).

Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC, ang dalawang bagong confirmed cases ay isang lalaki na mula sa Quezon, Isabela at isang babae na mula sa Barangay Cataggamman Nuevo dito sa lungsod ng Tuguegarao.

Mula sa nasabing bilang , pito ay mula sa Cagayan, 12 sa Isabela at isa ang mula sa Tabuk City sa probinsiya ng Kalinga.

Sinabi ni Baggao na nasa mabuti namang kalagayan o walang nararamdamang sintomas ng sakit ang 20 nagpositibo sa virus.

Bukod dito, limang suspected cases ng covid-19 ang kasalukuyan din na minomonitor sa naturang pagamutan.

-- ADVERTISEMENT --
Tinig ni Dr. Glenn Mathew Baggao

Dumating naman kaninang umaga, Hulyo 4, 2020 ang 3,000 Personal Protective Equipment (PPEs) sa CVMC mula sa camp crame na bigay Department of Health at Office of Civil defense (OCD).

Sinabi ni Dr. Baggao na ito ay karagdagan o bahagi sa naunang naibigay ng naturang mga ahensiya para masiguro ang kaligtasan ng mga health workers na umaasikaso sa mga covid-19 patients.

Tiniyak naman ni Baggao na sapat ang supply ng PPEs sa pagamutan.

Tinig ni Dr. Glenn Mathew Baggao

Samatala, inihayag ni Baggao na paparating na rin ang RT-PCR machine mula sa DOH,bukod sa unang binili ng CVMC na machine.

Aniya, patapos na rin ang gusali na gagamitin sa covid-19 test at nakahanda na rin ang kanilang mga Medical Technologist (MeD-tech) kung kaya’t inaasahan na bago matapos ang buwan ng Hulyo ay magsisimula nang tumanggap ng specimen ang CVMC.