Magkasunod na nahuli ng pulisya ang magpinsang suspek na nanloob sa isang paaralan at narekober ang motorsiklo at ilan sa mga gadgets na kanilang tinangay sa Bayabat National High School- La Suerte Extension sa bayan ng Amulung.

Ang mga suspek na sina alyas Mark at alyas Noel, edad 18 at 19 at kapwa residente ng Brgy La Suerte, Amulung ay nahaharap ngayon sa kasong robbery at carnapping of motorcycle.

Ayon kay PMAJ Tristan Jan Zambale, hepe ng PNP-Amulung, gamit ang crowbar ay pwersahang sinira ng dalawa ang padlock ng administarive building ng naturang paaralan at tinangay ang nasa dalawampung piraso ng laptop na nakalagay sa safety box noong Linggo ng gabi, September 22.

Gamit ang tinangay na motorsiklo ng kapitbahay ay dumiretso ang dalawa sa bayan ng Solana kung saan nagtatrabaho ang ama ng isa sa mga suspek.

Iniwan umano nila ang motorsiklo, kasama ang susi nito sa isang lansangan sa Brgy Maguirig at sumakay ng van papuntang Isabela kung saan anim na gadgets ang kanilang ibinaba sa tatay ni alyas Mark sa bayan ng Mallig bago sila dumiretso sa Roxas kung saan nila nakabenta ng dalawang laptop.

-- ADVERTISEMENT --

Kusa namang isinuko sa pulisya ng tatay ni Mark ang anim na laptop na idinaan ng kanyang anak.

Sa tulong ng lola ni alyas Mark at ama ni alyas Noel ay magkasunod na natunton ng pulisya ang kinaroroonan ng dalawang suspek kung saan unang nahuli sa Brgy Maguirig si alyas Noel habang sa kanyang kamag-anak sa Brgy Cabasan, Penablanca naman nahuli si alyas Mark.

Narekober kay alyas Noel ang limang laptop at ang motorsiklong iniwan sa lansangan.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa siyam na laptop na naibenta ng dalawa kung saan tig-dalawa ang natukoy na nabenta sa Tuguegarao, Cagayan at Roxas, Isabela.