
Magkakaloob ang pamahalaan ng legal assistance sa Filipino seafarers na sakay ng isang cargo vessel na may lulan dalawang tonelada ng pinaghihinalaang cocaine sa South Korea, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, may 20 Pinoy, kabilang ang kapitan ng barko sa MV Lunita.
Dumaong ang barko sa Okgye, South Korea noong April 4.
Nakita ng mga local authorities ang mga droga nang magsagawa sila ng inspeksyon.
Ayon sa ulat, mahigit 50 kahon na pinaghihinalaang naglalaman ng cocaine ang itinago sa compartment sa loob ng engine room.
Bumiyahe ang barko mula Mexico patungong Ecuador, Panama at China bago nakarating sa Seoul.
Habang inaalam pa kung ang mga nasabing Pinoy ay sangkot sa pagpupuslit ng mga nasabing droga, sinabi ng DMW na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Foreign Affairs at sa mga awtoridad ng South Korea, at magbibigay ito ng mga abogado.
Sinabi ni Cacdac na ang kumpanya ng barko, ang JJ Ugland Companies ay nagpadala na ng abogado para sa mga nasabing Pinoy crew.