
Naipit sa Gitnang Silangan ang tinatayang 20,000 seafarers at 15,000 cruise ship passengers dahil sa patuloy na digmaan sa rehiyon, ayon sa pahayag ng International Maritime Organization (IMO).
Ayon kay Arsenio Dominguez, nakahanda ang IMO na makipagtulungan sa iba’t ibang sektor upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga seafarer na naapektuhan ng kaguluhan.
Idineklara ng maritime sector bilang “warlike operations area” ang Strait of Hormuz, Gulf of Oman at ang Persian Gulf dahil sa tumitinding banta sa seguridad sa mga barkong dumaraan sa nasabing ruta.
Batay sa tala ng IMO, pitong insidente na ang naitala na may kinalaman sa mga barko sa rehiyon mula nang sumiklab ang digmaan noong Sabado. Dalawang katao ang nasawi habang pito naman ang sugatan sa mga pag-atakeng ito.
Ipinunto ni Dominguez na bukod sa epekto nito sa ekonomiya, isa rin itong seryosong usaping makatao dahil nalalagay sa panganib ang buhay ng mga sibilyang seafarer.
Samantala, halos tuluyang napahinto ang paggalaw ng mga barko sa Strait of Hormuz matapos ideklara ng Islamic Revolutionary Guard Corps ng Iran na may “ganap na kontrol” sila sa nasabing estratehikong ruta ng langis.
Dahil dito, bumaba ng halos 90% ang pagdaan ng mga oil tanker sa naturang daanan kumpara noong nakaraang linggo, ayon sa energy intelligence firm na Kpler.
Nagpasya rin ang ilang shipping companies, kabilang ang Danish shipping giant na Maersk, na pansamantalang ihinto ang pagtanggap ng bookings para sa mga biyahe sa Gulf habang nagpapatuloy ang tensyon sa rehiyon.










