Muling ginawaran ng Department of Interior and Local Government Region II ang mga probinsiya at Local Government Unit (LGU) na nakakuha ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance (SGLG) award sa national level.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Ruperto Maribbay, director ng DILG RO2 na pangunahing nabigyan ng plaque at incentives ang mga hall of fame sa SGLG national na kinabibilangan ng Isabela at Quirino sa provincial level.

Kasama sa mga nagawaran na consistent passer ng SGLG ang bayan ng Sanchez Mira, Cagayan; San Mateo, Isabela; Villaverde, Nueva Vizcaya; at Saguday, Quirino sa municipal level habang ang Santiago City sa city level.

Samantala, ginawaran din ang kabuuang 43 na LGU at siyudad sa buong rehiyon ang nakapasa sa SGLG ngayong taon.

Kinabibilangan ito ng Allacapan, Camalaniugan, Buguey, Gattaran, Gonzaga, Iguig, Lal-lo, Sanchez Mira, Solana, Sta. Teresita at Tuguegarao City mula sa lalawigan ng Cagayan.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, marami pang kategorya ang iginawad ng ahensiya sa mga LGUs na nakapasa sa ebalwasyon kaugnay sa kanilang maayos at magandang pagpapatupad sa kanilang mga tungkulin at pagbibigay ng pinakamahusay na serbisyo.

Ang SGLG award ang pinakamataas na pagkilala na ibinibigay ng DILG sa isang LGU na nagpakita ng magandang pamamalakad at epektibong pagbibigay ng mga serbisyong panglipunan, gayundin para sa pagsunod sa transparency, accountability at responsiveness sa pamamahala.