Aprubado na ng Sangguniang Panlalawigan ang 2020 annual budget ng Cagayan na nagkakahalaga ng mahigit P2.8 bilyon sa isinagawang mobile session sa bayan ng Allacapan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Vice Governor Melvin Vargas, Jr. na mas mababa ang budget ngayong taon, kumpara sa mahigit P3 bilyon noong nakaraang taon.

Bagama’t nagkaroon ng budget cuts o tinapyasan ng pondo ang ilang departamento sa kapitolyo para sa manpower, tiniyak ni Vargas na wala namang pinagbago sa mga proyekto at programa na inilaan ng pamahalaang panlalawigan lalo na sa social services.

Base sa naipasang 2020 Annual Investment Program ay nadagdagan ang pondo para sa personal services sa ilalim ng executive department tulad ng pasahod sa mga quarry checkers, Task Forced Lingkod Cagayan at iba pa.

Kasama ring napondohan ang “No Town, Left Behind” program na nagkakahalaga ng P3M sa bawat bayan na inilipat sa programa para sa End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) bilang bahagi ng paglutas sa insurhensiya na isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte.

-- ADVERTISEMENT --

Nadagdagan din ang ibibigay na budget sa bawat Barangay para sa “Aid to Barangay” program sa halagang P500,000 mula sa dating P400,000 noong 2019.

Habang nanatili sa mahigit P100 milyon ang budget para sa peace and order at inteligence.