Pormal nang magbubukas bukas, February 1 ang 2024 Cagayan Provincial Athletic Association Meet na gaganapin sa kauna-unahang pagkakataon sa bayan ng Allacapan bilang host municipality.

Ayon kay Provincial Consultant on Education Claire Lunas, naglaan ng P1m ang pamahalaang panlalawigan bilang suporta sa LGU-Allacapan para sa apat na araw na Provincial Meet na inaasahang dadaluhan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte.

Bukas, ala 1:30 ng hapon ay isasagawa ang solidarity parade na susundan ng opening program sa oras na alas-3:00 ng hapon habang ang mga laro ay pormal na magsisimula kinabukasan.

Inaasahan namang daan-daang mga atleta, coaches, at trainers mula sa mga bayan sa Cagayan ang maglalaban-laban sa ibat-ibang sports events katulad ng basketball, volleyball, softball, baseball, swimming, athletics at marami pang iba.

Ang mga main venues ng mga laro ay isasagawa sa Allacapan maliban lamang para sa swimming na isasagawa sa Cagayan Sports Complex sa Tuguegarao City.

-- ADVERTISEMENT --

Sa provincial meet, pipili ang lalawigan ng mga players sa elementary at secondary level na kakatawan sa Cagayan sa Cagayan Valley Regional Athletic Association o CAVRAA Meet 2024.

Dagdag pa ni Lunas, nasa P23 milyon ang inilaang ng Pamaghalaang Panlalawigan para sa CAVRAA kung saan ang mapipiling players ay isasailalim sa 45 days inhouse training sa apat na venues sa lalawigan na kinabibilangan ng Cagayan Sports Complex, Anquiray Farm School, Zitanga at sa Sub-capitol.