
Inilarawan ng architect at feng shui master na si Ka Kuen Chua ang 2026 bilang isang taon ng “extremes” na mangangailangan ng balanse, pag-iingat, at responsableng pagkilos.
Ayon kay Chua, ang Year of the Fire Horse ay dominado ng elemento ng apoy na pinalalakas ng kahoy at halos walang elemento ng tubig, dahilan upang maging “highly combustible” ang taon.
Dahil dito, pinayuhan niya ang publiko na iwasan ang padalus-dalos na desisyon at gumamit ng water elements gaya ng malinis at umaagos na tubig sa bahay, habang asul ang itinuring niyang pinakamasuwerteng kulay sa 2026.
Ayon pa kay Chua, ang pagiging “extreme” ng 2026 ay maaaring magdala ng sobrang ganda o sobrang hirap, depende sa mga desisyon ng mga namumuno at ng mamamayan.
Sa usapin ng suwerte ayon sa zodiac, itinuring niyang pinakamaswerte ang Year of the Dragon at Snake, habang pinayuhan ang iba tulad ng Horse, Sheep, Rooster, at Dog na maging mas maingat lalo na sa kalusugan, pananalapi, at pakikipag-ugnayan sa kapwa.
Gayunman, sinabi ni Chua na may positibong senyales pa rin para sa bansa, na posibleng magtapos ang taon sa isang “happy ending” kung mananaig ang tamang balanse at responsibilidad.










