Inihayag ng Malakanyang na tatalakayin pa lamang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung sino ang kanyang presidential candidate at posibleng koalisyon para sa 2028 elections.

Iginiit ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, wala pa sa agenda ng Pangulo ang mga usaping pulitika para sa susunod na eleksyon.

Sinabi ni Castro na abala ang Pangulo sa paghahanda para sa ASEAN meetings at pakikipag-usap sa economic teams para mapabuti ang kundisyon ng ating bansa.

Nang tanungin si Castro kung ano ang reaksyon ng Pangulo sa anunsiyo ni Vice President Sara Duterte na tatakbo siya bilang presidente sa 2028, sinabi niya na ang isang pulitiko ay iniisip na ang susunod na eleksyon, subalit ang isang stateman ay iisipin ang susunod na henerasyon.

Inilarawan naman ni Castro ang posibleng tandem nina VP Duterte at Senator Aimee Marcos sa 2028 elections na Powerpuff Girls.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, sinabi niya na hindi pa nila napag-uusapan ni Marcos ang tunkol sa Sara-Aimee tandem.

Matatandaan na may political advertisement sina Sen. Marcos at Duterte nitong nakalipas na taon na may temang “Itim.”