Aabot sa 20,000 kilos ng mineral ore ang nakumpiska ng mga otoridad sa isang truck sa bayan ng Solano, Nueva Vizcaya.
Ayon kay PMAJ Jolly Villar, provincial information ng Nueva Vizcaya, nasa 13 indibidwal ang nahuli kung saan karamihan sa mga suspect ay residente sa lalawigan ng Zambales, Masinloc, San Felipe habang ang iba ay residente rin ng Nueva Vizcaya at Isabela.
Una rito ay nakatanggap ng impormasyon ang mga otoridad mula sa isang concern citizen kaugnay sa isang truck na naglalaman ng mineral kung kaya’t agad naman na nagsagawa ng operasyon ang mga ito.
Sinubukan umanong habulin ng mga otoridad ang bumabyaheng truck at inabutan nila ito sa bypass road ng nasabing bayan.
Dito na nahuli ang truck na naglalaman ng humigit kumulang limang daang sako ng hinihinalang mineral ore kasama ang driver at dalawa pang van kung saan nakasakay ang iba pang suspect.
Ang mga nasabing suspect ay isang grupo kung saan nagkakilala ang mga ito dahil sa ilegal na gawain at ilan pa sa kanila ay dati ng nasangkot sa ganitong kalakaran.
Sa ngayon ay kinukumpirma pa kung talagang nanggaling ang nasabing mineral sa Quezon base na rin sa salaysay ng mga suspect habang mahaharap naman ang mga ito sa RA 794 o Philippine Mining Act of 1995.