
Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ang isang 21-anyos na babae na patungong Italy matapos umanong magpanggap bilang ibang tao.
Kinilala ng BI ang pasahero bilang si Nimo Ahmed Hassan na nagpakita ng Swedish passport.
Bagama’t napatunayang lehitimo ang pasaporteng ipinrisinta, lumitaw sa biometric face-referencing technology ng BI na hindi si Hassan ang tunay na may-ari ng nasabing dokumento.
Napag-alaman din ng BI na ang babae ay nagmula sa East Africa.
Patuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy ang kanyang tunay na pagkakakilanlan at kung saan naroroon ang kanyang sariling mga dokumento sa paglalakbay.
Dinala ang suspek sa holding facility ng Bureau of Immigration habang hinihintay ang pagsasampa ng kaukulang deportation proceedings laban sa kanya.










