Naisampa na ang dalawang kasong may kaugnayan sa paglabag sa quarantine protocol laban sa 21 indibidwal, kasama ang 2 police escort mula Maynila na naharang sa COVID-19 checkpoint sa Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Cagayan Police Director Colonel Ariel Quilang na kinasuhan na sa korte ng paglabag sa Sec. 9 ng Republic Act 11332 na may kaugnayan sa Proclamation 922 at paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code ang mga kasama sa convoy na tumangkang pumasok sa bayan ng Sta. Ana.

Pinabulaanan naman ni Quilang ang mga ulat na pawang mga Chinese national at POGO workers ang kanilang naharang dahil sakay ng mga delivery truck at van ang 17 Pilipino na driver at helpers na maghahatid ng iba’t ibang supplies at Personal Protective Equipment (PPE) sa LGU- Sta. Ana.

Kasama rin sa convoy ang isang Chinese national na si Benedict Wong, operations manager ng Eastern Hawaii Casino, empleyado nitong si Ying Sheng Lee na isang Taiwanese national at dalawang police escort na mula sa Police Security and Protection Group (PSPG) sa Camp Crame.

Ayon kay Quilang, pinayagang makapasok sa checkpoint ang mga relief goods kabilang ang mga drivers, ilang helpers at si Wong na ipinasailalim sa 14 days quarantine.

-- ADVERTISEMENT --

Habang pinabalik sa Maynila ang karamihan sa mga kasama sa convoy, kabilang na ang dalawang police escort.